Siniguro ng hepe ng pambansang pulisya na makikita ang presensiya ng 192,000 na pulis na kanilang ipapakalat sa buong bansa para magbantay sa nalalapit ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ito ay para masiguro ang kaligtasan ng publiko sa holiday season.
Aniya, ang mga pulis ay naka-deploy sa mga lugar na tinatawag na convergence o matataong lugar kung saan inaasahang ipagdiriwang ng ating mga kababayan ang Christmas at New Year celebrations.
Sinabi ni Azurin na dapat daw ay nakikita ang mga pulis at kanilang mga mobile patrol lalo na kung Simbang Gabi dahil madilim pa.
Kailangan daw ang nandoon ang mga pulis para umalalay sa ating mga kababayan.
Aniya, hihingi na rin sila ng tulong sa 29,400 force multipliers sakaling kailanganin ng karagdagang pulis.
Dagdag ng opisyal na nakapaglagay na rin daw ang PNP ng police assistance desks sa mga convergence areas at motorist assistance centers sa mga pangunahing lansangan.
Sa ngayon, wala pa naman daw naitatalang major untoward report sa Metro Manila kasunod na rin ng pagsisimula ng Simbang Gabi.
Samantala, todo na rin ang paalala ng PNP chief sa publiko na mag-ingat sa paglipan ng mga magnanakaw sa mga shopping centers at iba pang pampublikong mga lugar sa bansa ngayong holiday season.
Sa mga ganitong okasyon daw kasi ay asahan na ang mga kawatan lalo na ang nananalisi sa mga malls, sa simbahan.
Kaya naman, ang payo ng PNP sa mga lalabas na maging alerto sa lahat ng oras.
Sa mga aalis naman ng kanilang mga bahay, dapat daw ay siguruhin ng ating mga kababayan na bago umaalis ay mga bahay lalo na kung mahabang oras sa labas ay siguraduhing naka-padlock ang kanilang mga bahay.
Kaagapay naman daw ng PNP ang mga barangay officials na magbabantay sa kanilang mga residente laban sa mga masasamang loob na magsasamantala ngayong holiday season.