Nananatiling iritado at hindi pa rin tanggap ni President Donald Trump ang kaniyang pagkatalo sa katatapos lamang na halalan sa Estados Unidos ngunit tila nagpapahiwatig na ito ng kaniyang balak na muling pagtakbo sa 2024 US presidential elections.
Sa kabila ito ng kaliwa’t kanang paghahain ng kaso ng mga abogado at supporters ni Trump dahil sa umano’y naganap na dayaan noong eleksyon.
Bukod pa ito sa 46 minute video na inilabas ng Republican president kung saan sinabi nito na ninakawan daw siya ng boto ni Presumptive President Joe Biden.
Subalit sa ginawang Christmas party sa loob ng White House ay sinabi ni Trump na kahit pa natalo siya sa laban ay hindi raw siya magre-retiro bilang one-term president lamang.
Ayon sa pangulo, naging maganda ang takbo ng kaniyang unang apat na taon bilang presidente ng Amerika, at sinubukan nito na manatili pa sa kaniyang pwesto sa loob ng apat pang taon ngunit hindi siya pinalad.
Dahil dito ay binabalak niyang muling tumakbo bilang pangulo ng Amerika makaraan ang apat na taon.