CAGAYAN DE ORO CITY -Tila nakaiwas mula sa anumang matinding pagpuna mula kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ang local government officials ng ilang probinsya sa Northern Mindanao region kahit nag-resulta ng 26 katao ang nasawi sa tumama na ‘shearline’ habang nasa kasagsagan ng kapaskuhan taong 2022.
Aminado kasi si Marcos na hindi inaasahan ang idinulot na malaking pinsala ng mga tumama na pag-ulan na tumagal ng ilang araw dahilan na nagbigay ng malawakang pagbaha sa Misamis Occidental,Misamis Oriental at Bukidnon.
Ginawa ng presidente ang pahayag nang humingi ito ng situational briefing kung ano na ang ginawa ng mga apektadong local government units ilang linggo ang nakalipas mula sa pananalasa ng kalamidad.
Binigyang diin din ni Marcos na malaki rin ang naitulong ng mabilisang pagpapalikas ng mga residente upang makaiwas sa mas matindi na kapahamakan.
Unang binisita ng pangulo ang mga apektadong pamilya na tinipon sa dalawang magpakahiwalay na lokasyon ng Misamis Occidental at Misamis Oriental upang abutan ng ceremonial na higit P20-M na cash at foodpacks assistance kahapon.