Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatupad ng paghihigpit sakaling patuloy na binabalewala ng mga tao ang mga ipinapatupad na health protocols.
Sa kaniyang address to the nation nitong Lunes ng gabi, sinabi ng pangulo na mangyayari ang nasabing hakbang sakaling dumami ang bilang ng mga lumalabag sa itinakdang panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease.
Hindi naman nito tinukoy kung anong paghihigpit ang kaniyang ipapatupad subalit ikinabahala nito ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Bacolod at Cagayan de Oro dahil may mga ibang tao sa nabanggit na lugar na tila wala na raw sa kanila ang nararanasang pandemiya.
Iginiit nito na may kapangyarihan ang pangulo na magpatupad na paghihigpit kung malalagay sa panganib ang kalusugan ng ibang tao.















