Nananatiling naka-alerto ang Philippine Red Cross (PRC) habang patuloy na bumubuhos ang malakas na ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, na nagdulot ng pagbaha at localized landslides sa iba’t ibang probinsya.
Ayon sa PRC, nagsimula na ang kanilang mga rescue at relief operations nitong Sabado, upang agad na matulungan ang mga apektadong residente.
Sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na aktibong kumikilos ang mga Red Cross chapters at emergency rescue units sa iba’t ibang lugar, kabilang ang pagsagip sa mga na-stranded na residente at maging mga alagang hayop, habang nagdadala rin ng emergency food supplies sa mga komunidad na lubog sa baha.
Dagdag pa ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang, patuloy nilang mino-monitor ang antas ng tubig at panganib ng landslide sa Oriental Mindoro, Zambales, Romblon, at Cavite, kung saan ang mga RC143 volunteers ay walang tigil na nagtatrabaho upang masiguro ang kaligtasan ng mga tao.
Sa Cavite, nakapagtala ng rescue at relief operations ang PRC Cavite Chapter, Dasmariñas Branch, at Silang Branch sa Brgy. Gahak, Kawit. Bukod sa pagsagip sa mga residente at alagang hayop, namahagi rin sila ng Gardenia bread sa mga naapektuhan.
Sa Romblon, isang landslide ang naganap sa Brgy. Limon Norte, Looc, ngunit walang nasugatan dahil walang tao sa gusaling naapektuhan.
Samantala, sa Oriental Mindoro, iniulat ng mga volunteers ang pagbaha mula isang talampakan hanggang tuhod sa ilang barangay ng Baco, Victoria, at Calapan City. Sa Zambales, binaha rin ang mga mabababang lugar sa Sta. Cruz at Iba, kung saan umabot mula sa mababaw hanggang tuhod ang tubig sa kalsada.
Patuloy na nananawagan ang PRC sa publiko na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na chapter para sa agarang tulong.
Para sa mga emergency, rescue requests, o assistance, maaaring tumawag sa Philippine Red Cross Operations Center sa 143 o (02) 8790-2300.
















