Para kay Caloocan Bishop Pablo David, maituturing na bagong mukha ng kilos protesta ang sama-samang pagdadasal.
Ito ang mensahe ng obispo sa gitna ng kontrobersyang idinidiin laban sa kanya at iba pang kritiko ng administrasyon kaugnay ng alyas Bikoy case.
Nagpasalamat si David sa mga patuloy umanong nagpapaabot ng panalangin sa kanya at mga kapwa akusado para manatiling matatag laban sa reklamong sedition.
“This is good, ang tawag ko prayer power the new form of resistance. We don’t call it people power, we call it ‘prayer’ that binds people together, in solidarity together.”
Kung maaalala, inireklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si David at iba pang kawani ng simbahan matapos umanong makipagsabwatan sa opposition officials para idawit sa iligal na droga ang pamilya Duterte, sa pamamagitan ng “Ang Totoong Narcolist” video.
Kasama ni David sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas at retired Novaliches Bishop Teodoro Bacani sa church officials na inireklamo.
Bilang vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nanawagan si David sa mga Katoliko na patuloy na magdasal at suportahan ang simbahan.
“Panawagan ko, is dumami pa ang mga prayer warriors para sa kapayapaan sa ating bansa, para maresolba itong ating mga hinaharap na pagsubok.”