-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Maguindanao Police Provincial Office sa nasawing preso sa costudial facility ng Barira Municipal Police Station.

Nakilala ang nasawi na si Johairie Dagalangit na ikinulong matapos makabangga ng bata habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Office Director Colonel Roel Sermese na na-relieve na rin sa pwesto ang hepe ng Barira Municipal Police Station na si Police Major Major Radzak Musa Shariff upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon.

Habang ang 12 mga pulis na on-duty nang mangyari ang insidente ay inilipat sa Provincial Personnel Holding and Accounting Unit o PPHAU ng Maguindanao Provincial Police.

Iniutos na rin ng Regional Investigation and Detective Management ng Police Regional Office sa Bangsamoro Region ang mas masusing imbestigasyon upang masuri kung dapat bang may managot sa insidente.

Unang tinawagan ng Barira PNP ang pamilya ni Dagalangit na itoy nasawi sa loob ng piitan matapos umanong bangungutin.

Ngunit nadiskubre ng pamilya na nagtamo ng maraming pasa at may hiwa pa sa katawan ang biktima matapos umanong tinorture habang nasa loob ng kulungan ng Barira PNP.

Nilinaw ng pamilya na hindi preso si Dagalangit,inilagay lang umano ito sa kulungan habang inaayos ang kinasasangkutan nitong vehicular accident.

Hiniling rin ng pamilya sa NBI at Commission on Human Rights (CHR) na maimbestigahan ang naturang pangyayari.