-- Advertisements --

ferrer2

Ipinagkaloob ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pangunguna ni USec Raymundo Ferrer ang Posthumous recognition sa limang PDRRMO rescuers na nasawi sa kasagsagan ng hagupit ng Bagyong Karding.

Ang mga bayaning rescuers na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurrecion, at Narciso Calayag Jr. ay ginawaran ng tribute posthumously na inorganisa ng Bulacan Provincial Government noong Setyembre 30, 2022.

Ang parangal ng Kagitingan ay isa sa mga prestihiyosong pagkilala na ipinagkaloob ng NDRRMC sa mga indibidwal o grupo na nagpakita ng huwaran at pambihirang mga pagkilos ng pagiging hindi makasarili sa pag-abot sa mga nangangailangan ng ayuda sa oras ng kalamidad at sakuna.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni Usec Ferrer ang nasabing mga rescuer bilang paggalang sa ngalan ni NDRRMC Chairperson at Department of National Defense (DND) Senior Undersecretary Jose Faustino, Jr.

“Ang Bulacan po ay nabansagang Land of the Heroes. Naniniwala po ako na pinatotohanan po ng ating mga rescuers na totoong Land of the Heroes ang Bulacan. Sana po ay maging halimbawa ang ipinakita nilang kabayanihan at tularan lalo na sa ating mga kabataan. Nagpapasalamat din po ako sa Bulacan ay isang halimbawa ng buhay na buhay ang volunteerism sa ating bansa” pahayag ni Ferrer.

Magugunita na noong Setyembre 26, 2022, bandang alas-7:00 ng umaga, matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Karding, limang miyembro ng Bulacan Rescue ang natagpuang wala nang buhay sa iba’t ibang lugar ng Sitio Banga Banga, Brgy Camias, San Miguel. Bulacan matapos ipaalam ng isang concerned citizen sa San Miguel Municipal Police Station.

Ayon sa mga ulat ng pulisya, bandang 12:00 MN ng Setyembre 26, 2022, sinabi ng mga rescuer, na sakay ng rescue boat, kasama ang FSRR at MDRRMO ng San Miguel ay ipinadala sa iba’t ibang apektadong lugar upang iligtas ang mga stranded na indibidwal at pamilya.

Sa daan, bumagsak ang isang sementadong bakod at natangay ng malakas na agos ang kanilang bangka dahil sa malakas na agos na tuluyang nauwi sa kanilang pagkalunod.