Ipinaliwanag ng Commission on Elections na hindi pa maaaring ipag-utos na tanggalin sa ngayon ang mga poster at propaganda materials ng ilang politiko na naglipana sa iba’t ibang parte ng bansa.
Saad ni Comelec Chairman George Garcia na wala pang hurisdiksiyon sa ngayon ang poll body sa mga naglipanang mga posters dahil hindi pa nagsisimula ang paghahain ng certificate of candidacy.
Subalit sa oras na nagsimula na ito, sinabi ni Comelec chair Garcia na kanilang tatanggalin lahat ng mga nakabanderang mga poster at propaganda materials sa mga pampublikong lugar.
Kapag naghain na kasi ng kandidatura sa darating na 2025 midterm election, maituturing na ang mga ito na kandidato at pinagbabawalang maglagay ng mga poster hanggang sa simula ng panahon ng pangangampaniya.
Ang pahayag na ito ng poll body ay kasunod ng paglipana ng ilang posters ng mga politiko na nagpapaalala sa publiko na magmaneho ng ligtas na makikita sa mga national roads at highways noong kasagsagan ng Holy week.
Sinabi naman ni Garcia na maituturing na iligal at premature campaigning ang mga ito sa oras na makapaghain na ng COCs ang ilang politikong balak tumakbo sa darating na halalan.
Nanindigan naman ang opisyal na determinado ang Comelec na magpatupad ng premature campaigning ban sa darating na midterm elections.