Pinag-aaralan ng gobyerno ng Pilipinas ang posibleng pagtanggal na ng deployment ban sa Kuwait matapos na suspendihin ng Arab state ang pag-isyu ng bagong visa para sa mga Pilipino.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega na ang suspensiyon ng issuance ng bagong visa ay ang tugon ng Kuwait government sa deployment ban ng Pilipinas ng mga baguhang kasambahay sa Arab statenoong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ilan din sa ikinokonsidera ng pamahalaan ang feedback mula sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Migrant Workers, Department of Health, Kongreso gayundin ng publiko.
Matatandaan na ipinatupad ang deployment ban sa Kuwait kasunod ng karumal dumal na pagkamatay ng overseas Filipino workers na si Julleebee Ranara at ang iba pang kaso ng pagmamaltrato sa mga OFW.
Bilang tugon, inanunsiyo ng Kuwaiti Interior Ministry ang pansamantalang suspensiyon ng pag-isyu ng visas sa mga Pilipino dahil sa paglabag umano ng gobyerno ng Pilipinas sa bilateral agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay de Vega, nais umano ng gobyerno ng kuwait na tangalin ang shelters para sa mga tumatakas na kasamnbahay dahil hindi ito pinapayagan sa ilalim ng kanilang batas.
Dagdag pa ng DFA official na hindi din aniya pinapahintulutan ng kuwaiti government ang gobyerno ng Pilipinas na tawagan ang employers ng OFWs na napaulat na inabuso.
Subalit iginiit ni De Vega na kanilang ginagawa ang naturang mga hakbang upang maprotektahan ang mga manggagawang pilipino base sa ating batas at mga regulasyon.
Nakatakda namang magpulong ang mga opisyal ng dalawang bansa ngayon ding Mayo.
Sa datos ng DFA, ayon kay De Vega nasa 275,000 hanggang 300,000 ang mga dokumentadong Pilipino na nasa kuwiat kung saan malaking porsyento dito na nasa 70% ay mga kasambahay.