-- Advertisements --

Nangangamba si Professor Guido David ng OCTA Research Group sa posibilidad na magkaroon ng panibagong surge sa COVID-19 infections kapag makapasok sa Pilipinas ang ang variant ng sakit mula India.

Ito ay lalo pa kung kumalat ang tinatawag na “double mutant” variant na ito sa National Capital Region at mga karatig na lugar, ayon kay David.

Bagama’t bumababa na aniya ang bilang ng COVID-19 cases ay hindi naman kakayanin pa ng Metro Manila na magkaroon ng isa pang surge sa infection dahil nananatili pa ring mataas ang healthcare utilization rate hanggang sa ngayon.

Ayon kay David, mayroong “downward trend” na sa bilang ng COVID-19 infections pero sinabi nito na “relatively unstable” pa rin ito sa ngayon dahil mayroon pa ring mga lugar na hindi nakakapagtala ng pagbaba sa bilang ng mga kaso sa nakalipas na mga linggo.

Sa ngayon, umiiral pa rin ang ipinatupad na travel ban ng Pilipinas para sa mga biyahero mula India.

Abril 27 nang ipinatupad ito ng pamahalaan para maiwasan ang pagpasok sa Pilipinas ng COVID-19 variant mula India.