-- Advertisements --

Posibleng halos 50,000 na ang mga indibidwal ang posibleng masawi kapag nangyari ang pagtama ng magnitude 7.2 na lindol o The Big One sa Metro Manila.

Ito ang sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Dir. Teresito Bacolcol, base sa pag-aaral na isinagawa sa magiging lawak ng pinsala ng malakas na pagyanig.

Bukos sa mataas na bilang ng masasawi, maaaring aabot sa 118, 000 ang bilang ng mga seryosong masusugatan.

Higit na mataas ito kumpara sa mga nakalipas na pagtayang 34,000 ang maaaring bawian ng buhay, libo-libong iba pa na masasaktan.

Sinabi naman ni Office of Civil Defense (OCD) administrator Usec. Ariel Nepomuceno na lumalabas na aabot sa tatlo hanggang limang milyon ang kinakailangang ilikas kapag nangyari ang nasabing kalamidad.

Nabatid na base pa pag-aaral, kada 400 taon ang galaw ng West Valley Fault.

Huli itong nagdulot ng malakas na lindol noong 1658.

Nangangahulugan ito na ngayong 2024 ay 366 taon nang nakalipas nang mangyari ito.

Kaya muling iginiit ng OCD na mahalaga ang quarterly earthquake drill dahil sinasanay nito ang publiko na maging handa sa pagtama ng malakas na lindol.

Sa pamamagitan kasi nito ay mas maiiwasan ang maraming casualties.

Dapat din umanong ituro sa mga kabataan ang survival techniques na makakatulong sa marami kapag ito ay naganap.