Pag-aaralan ng House prosecution panel kung kailangan ng hakbang para linawin ang required na boto para mahatulan ng guilty si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, nakatutok ang kanilang grupo sa pre-trial conference, ngunit tatalakayin nila kung paano maiiwasan ang kalituhan sa interpretasyon ng two-thirds vote requirement sa Senado.
Isa sa pinagtatalunan ay kung ang two-thirds ay ibabatay sa kabuuang 24 senador o sa bilang ng mga senador na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Senado sa oras ng botohan.
Sinabi ni Luistro na ipaaalam ng prosecution panel ang kanilang magiging posisyon kapag napagdesisyunan na ito.
Bukas din umano ang posibilidad na humingi ng paglilinaw sa Korte Suprema, ngunit kailangan muna itong pag-aralan kung naaangkop sa kasalukuyang yugto ng kaso.
Ipinunto rin niya ang paninindigan na ang “two-thirds of all members of the Senate” ay dapat unawain batay sa aktuwal na bilang ng mga senador na may kakayahang makilahok sa impeachment proceedings.
Binanggit ni Luistro ang naging desisyon sa kasong Avelino v. Cuenco bilang batayan ng kanyang pananaw sa usapin ng Senate quorum at kapangyarihan ng Senado.
Sa ngayon, wala pang pinal na hakbang ang prosecution at patuloy pa ang pag-aaral sa isyu habang isinasagawa ang pre-trial.










