MANILA – Nakatakdang simulan ngayong taon ang Phase II clinical trials ng gamot na dinvelop ng Department of Science and Technology (DOST) laban sa sakit na dengue.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), matagumpay ang pagtatapos ng Phase I trials noong 2020.
Ginawa ang pag-aaral sa ilalim ng partnership ng ahensya at kompanyang Pharmalytics, kung saan anim na pasyente ng dengue ang sinubukang painumin ng “formulation” o pinagsama-samang kombinasyon ng tatlong halamang gamot.
“Maliban sa mga minimal at panandaliang side effects tulad ng pagsakit ng ulo, pagsusuka at pagkahilo, walang ibang major side effects ang na-identify dahil sa pag-inom ng formulasyon na ito.”
Tinatayang 600 volunteers ang inaasahang isasali sa ilalim ng ikalawang yugto ng clinical trials ngayong taon.
Aabutin daw ng 10 buwan ang pag-aaral, na nakatakdang gawin sa lalawigan ng Cavite.
Sa ilalim ng Phase II clinical trials, aalamin kung ligtas at epektibo nga ang gamot laban sa dengue.
“Maliban dito iimbestigahan din sa Phase II ng magiging epektibo ng sinusubukang drug laban sa dengue, sa pamamagitan ng pagpapababa ng viral load o pagbawas viral leakage at pagpapabuti ng platelet formation.”
Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Pena, umabot sa 79,218 ang total ng dengue cases mula Enero hanggang Nobyembre ng 2020. Mula sa nasabing bilang, mayroong 306 na namatay.
Mas mababa raw ito ng 81% kumpara sa total cases noong 2019.
Kabilang ang pananaliksik ng gamot sa dengue sa mga pag-aaral na sinusuportahan ng DOST-PCHRD sa ilalim ng “Addressing and Responding to COVID-19 through Health Research” (ARCHER) program.
Layunin nito na mabigyan ng pondo ang mga pananaliksik na may kinalaman sa pagsugpo sa coronavirus at iba pang sakit.
Ilan pa sa mga research and development areas na sinusuportahan ng ARCHER program ay ang:
- Vaccine clinical trials
- Repurposing of existing drugs, supplements, and other formulations
- COVID-19 behaviour studies
- Diagnostic & kit validaton studies
- AI ICT-driven models & prediction studies
- PPE Research & Development
- Facility, laboratory & hospoital equipment enhancement
- Regulatory studies
- Other COVID-related health researches
Sa kasalukuyan, may 48 projects na sinusuportahan ang ARCHER program. Mula rito, walo ang tapos na at 28 ang kasalukuyang lumalakad.
“Ilan sa mga proyektong naka-linyang simulan ngayong taon ay ang paggawa ng mga mura, simple at de kalidad na point of care tests para sa diagnosis ng COVID-19; pagpapahusay ng mga existing diagnostic devices; at pag-aaral ng mga biomarkers o indicators na may kinalaman sa pagkalat ng sakit.”