Umaabot sa P400.00 ang presyo ng kada kilo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Kabilang na rito ang naitala sa Trabajo Market sa Sampaloc, Manila at Acacia Market sa Malabon kung saan ang kada kilo ng liempo ay nagkakahalaga na ng P400.00.
Sa Blumentritt Market, Manila naman, ang kada kilo ng liempo ay nagkakahalaga na ng P380.00, habang ang kasim at pigue ay mabibili sa halagang P360.00 kada kilo.
Nabatid na nangyari ito, matapos tanggalin ang price cap na ipinapatupad ng Department of Agriculture (DA).
Pangamba ng Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP), baka tumaas pa ang presyo ng mga ito sa mga susunod na araw.
Paniwala ni PPFP vice president Nicanor Briones, marami pa ring natatakot na magdagdag ng alagang baboy dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Sa kanilang pagtaya, maaaring sumampa ang presyo ng pork products hanggang P410.00 hanggang P430.00 kada kilo.
Pero ikinadismaya ito ng Samahanang Industriya ng Agrikultura (SINAG), dahil ang farm gate price ay nananatili pa naman sa P230.00.
Kaya ang anumang labis na pagtaas ay malinaw umanong pagmamalabis at dapat mapanagot sa batas.










