May pahaging si Vice Pres. Leni Robredo sa mga kapwa opisyal ng gobyerno na nagpopondo umano sa mga social media “trolls” na pumreno muna at bigyang tulong ang frontliners na nagbabantay sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid ng bise presidente na marami sa mga pulis at sundalong naka-deply sa checkpoint areas ang walang suot na protective gears tulad ng face mask, alcohol at thermal scanners.
“Parati kong sinasabi na iyong pambayad niyo sa trolls, utang na loob, itulong niyo na muna kasi kailangan na kailangan iyong tulong ngayon. Ibili na lang nila ng protective gear para sa ating mga frontliners,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
“May nakita akong pictures ng mga pulis sa checkpoint ng… sa may Bulacan yata, sa boundary ng Bulacan—walang protective gear.”
Nakiusap si Robredo sa gobyerno na bukod sa pagbabantay ng banta ng COVID-19, ay bigyang pansin din ang kaligtasan ng mga nagta-trabaho para masugpo ang pagkalat nito.
“So ito, pakiusap lang natin, huwag naman tayong—huwag naman nating hahayaan na iyong frontliners natin malalagay sa alanganin. Ang laki ng sakripisyo para sa kanila, pero siguraduhin natin na protected sila.”
Una ng inamin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Debold Sinas na limitado sa personal protective equipment (PPE) ang kanilang hanay.
Pero itinanggi nito na mandatoryong mag-provide ang mga pulis ng PPE para sa kanilang sarili.
Naglunsad kamakailan ng donation drive ang non-profit organization na Kaya Natin!, na partner ng Office of the Vice President, na layong mag-abot ng tulong sa mga healthworkers at iba pang frontline personnel sa COVID-19.
Nitong Linggo, March 15, ay umabot na raw sa P3-milyong halaga ng donasyon ang natanggap ng grupo. Sapat daw ito para makabili ng halos 5,000 PPEs.