-- Advertisements --

Maglalaan ng pondo ang Kamara sa ilalim ng 2021 proposed national budget para sa procurement ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, masyadong conservative kasi aniya ang P4.3-trillion budget na balak na isumite ng ehekutibo sa Kongreso.

Batid naman aniya niya na nag-iingat lamang ang ehekutibo sa posibleng maging deficit sa pondo, pero ayon kay Cayetano dapat may pondong nakalaan talaga para sa COVID-19 vaccine.

Maari aniyang tawagin nila ito sa ilalim ng 2021 proposed national bugdet bilang COVID-related programs para kung hindi pa rin available ang vaccine ay maaring gamitin ang pera para sa testing o pagbili ng mga medical supplies.

Sa ganitong paraan, hindi na aniya kailangan pang bumalik ng ehekutibo sa Kongreso para humingi ng karagdagang pondo.

“What if there is a vaccine and they won’t supply unless you pay at once? So the funds should already be available in the budget,” ani Cayetano.

Sa ngayon, umaasa ang maraming mga bansa na magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19 sa loob ng isang taon.

Kaya nais ni Cayetano na paghandaan ito para sakaling available na ang bakuna ay may perang maaring galawin para ipambili dito ng pamahalaan.


Bukod sa vaccine funds, sinabi ng lider ng Kamara nanais din nilang maisama sa pambansang pondo para sa susunod na taon ang economic stimulus appropriation para matulungan ang mga apektadong sektor na makabangon sa epekto ng pandemya.

Ang mga appropriations na ito ay dagdag sa magiging laman ng Bayanihan 2 o ang planong We Recover as One Law.

Ayon kay Cayetano, malapit nang mabuo ng Kamara, Senado at Department of Finance ang pinal na bersyon ng panukalang ito.

Layon ng panukalang ito na paglaanan ng P200 billion ang recovery programs at projects ng pamahalaan.