-- Advertisements --

Kailangan tiyakin ng pamahalaan ang pondo para sa mga ayuda program sa susunod na taon, bilang paghahanda pa rin sa posibilidad na tumagal pa ang COVID-19 pandemic, ayon sa beteranong ekonomista na si Deputy Minority Leader Stella Quimbo.

Sinabi ito ni Quimbo sa panayam ng Bombo Radyo bago pa man ang nakatakdang paghimay ng Kamara sa 2022 proposed national budget ngayong buwan ng Agosto.

Ayon kay Quimbo, dalawang programa ang kailangan na matutukan: ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod dito, dapat ding tiyakin ang sapat na pondo ng Department of Health (DOH) sa pagbili ng COVID-19 vaccines at testing, pati na rin ang para sa contact tracing sapagkat samu’t saring coronavirus variants ang patuloy na nagsusulputan.

Mahalaga rin aniyang mabigyan ng sapat na pondo ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga grants o ayuda na ibibigay din sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na nasa 96% ng mga negosyo sa bansa.

Samantala, sa pagsisimula ng reimposition ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capitap Region (NCR) bukas, sinabi ni Quimbo na mahalagang matiyak na makakatanggap ng ayuda ang mga apektadong residente.

Para naman hindi malugmok ng tuluyan ulit ang ekonomiya ng bansa, inirekomenda ni Quimbo sa national government na payagan na makapag-operate ang mga negosyo na fully vaccinated na ang mga empleyado at may kakayahan para sa routine antigen swab test ng kanilang mga manggagawa.

Sa tantiya ng NEDA, sinabi ni Quimbo na aabot sa P20 billion ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas sa bawat araw na nasa ilalim ng ECQ ang NCR.