-- Advertisements --

Hindi sapat para sa taong ito ang pondong nakalaan para sa pautang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apktado ng COVID-19 pandemic, ayon sa Small Business (SB) Corp.

Sinabi ni SB Corp. President Luna Cacanando na P1 billion ang kanilang pondo para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) program.

Ayon kay Cacanando, isasapinal pa nila sa Hunyo 30 ang nasa 7,000 loan applications, pero sinabi ng ahensya na sa kanyang pagtaya ay aabot ng hanggang 10,000 ang kanilang potential borrowers.

Kung lahat ng 10,000 maliliit na negosyo ay uutang, sinabi ni Cacanando na P1.37 billion ang kanilang kakailanganin na pondo.

Pinuna naman ng mga kongresista ang mabagal na sistema ng SB Corp para sa disbursements ng kanilang pautang, pati na rin ang sinisingil na 6 percent service fee sa kada loan.

Sa bawat 10,000 applications anila, 12 loan applications pa lang ang nare-review at naaprubahan ng SB Corp.

Kaya ayon kay Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson, kailangan na balikan ulit ng SB Corp. ang kanilang programa.

Samantala, hinimok naman ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano ang SB Corp. na babaan ang service fee na sinisingil nito mula 6 percent hanggang 2 percent na lamang, dahil ang pondong ginagamit naman nito ay nasa ilalim ng national budget.