Bumaba ang pondo ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga attached agencies nito para sa susunod na taon kung ikukumpara sa alokasyon ngayong 2020.
Sa deliberasyon ng House committee on Appropriations, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na ang kanilang proposed 2021 budget ay P20.162 billion, mas mababa ng bahagya kung ikumpara sa P20.955 billion ngayong taon.
Ayon kay Lopez, malaking bahagi ng pondo ay para sa TESDA, na nagkakahalaga ng P13.5 billion.
Tanging P5.3 billion lamang aniya ang mapupunta para sa DTI mismo, mababa ng P3.7 billion kung ikukumpara sa orihinal nilang hiniling sa Department of Budget and Management na P10 billion.
Samantala, inirekomenda naman ni Deputy Speaker Loren Legarda na ibalik sa 2021 budget ng DTI ang mga binurang MSME assistance items sa ilalim ng 2020 allocation matpaos na maisabatas ang Bayanihan to Heal as One Act.
Iginiit ni Legarda na malaki ang maitutulong nito sa grass root rural livelihood na mahalaga para sa economic recovery ng micro enterprises.