-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief P/D/Gen. Oscar Albayalde na kumpirmado sa drug test ang naarestong policewoman na miyembro ng Special Action Force (SAF) na si PO3 Lyn Tubig.

Ayon kay Albayalde, kahapon isinagawa ang drug test kay Tubig at ang resulta na inilabas ay positibo ito sa iligal na droga.

Una nang sinabi ng PNP chief na kapag nagpositibo sa illegal drugs ay siguradong tanggal ito sa serbisyo.

Aniya, kasunod ng pagka-aresto kay Tubig, magpapatuloy ang gagawin nilang random drug test sa lahat ng mga PNP units dahil bahagi ito ng kanilang polisiya.

Aminado si Albayalde na hindi nila kayang isailalim sa drug test ang lahat ng mga police personnel kaya random drug test ang kanilang ginagawa.

Sa kabilang dako, ayon naman kay NCRPO chief C/Supt. Guillermo Eleazar, uulitin nila ang pagsasagawa ng random drug test sa lahat ng mga pulis units sa Kalakhang Maynila.

Si PO3 Tubig na naka-assign sa force support battalion sa SAF headquarters sa Taguig City at dalawang kasamahang lalaki ay inarresto matapos maaktuhan umanong nasa pot session sa Purok 6, Tuktukan, Taguig City nitong Sabado.

Kinilala naman ang mga kasama nitong naaresto na sina John Vincent German, nobyo umano ni PO3 Tubig at isang Fernando German.

Inamin ng police woman na ilang buwan na siyang gumagamit ng droga dahil sa depresyon, pero itinanggi nitong nasa pot session sila nang maaresto ng mga pulis.

Tiniyak ni Eleazar na magiging walang-awa ang liderato ng PNP sa mga pulis na mahuhuling gumagamit ng iligal na droga.