Kasamang iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP)-Special Investigation Task Group (SITG) kung may lapses o kakulangan sa hanay ng mga pulis sa Tanauan hinggil sa pagbibigay seguridad sa area ng city hall kung saan napatay si Mayor Antonio Halili.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, kanilang aalamin kung may natanggap na intelligence report ang Tanauan police laban kay Mayor Halili at kung bakit wala silang ginawang hakbang para maprotektahan ang mga indibidwal na dadalo sa flag raising ceremony.
Hindi aniya porke wala ng police power ang isang alkalde ay titigil na rin ang mga pulis sa kanilang mandato na bigyan ng seguridad ang komunidad.
“Not to protect the person, protect everybody in the area like for example nung ganun meron silang nakita o information, threat na nakuha doon sa specific na lugar doon sa occasion na yun, they have to put security,” wika ni Albayalde.
Dagdag ni Albayalde na posibleng may lapses sa hanay ng mga pulis dahil routine nang ginagawa ang seremonya.
Maaari rin daw na walang nakaisip na posibleng sa ganoong paraan ang pagpapapatay sa alkalde.
“Sabi ko nga kailangan talaga, we have to be proactive, kailangan siguro maisip na kung ano pang mga innovations na pwedeng gawin ng mga kriminal na yan at kailangan mauna tayo to prevent at ma pre-empt yung kanilang gustong gawin,” ani Albayalde.
Kinikuwestyon nito kung bakit walang pulis sa flag raising, ngunit ito raw ay dahil sa sinasabing minumura at pinapahiya kasi ito ni Mayor Halili.
Sa kabilang dako, walang balak si Albayalde na irekomenda sa Department of Interior and Local Government at National Police Commission na ibalik ang police power kasunod ng pagpatay kay Tanuan City Mayor Antonio Halili.
Unang kinumpirma ng PNP chief na may nakaaway na heneral ang Tanauan mayor, bagay na kasama na rin sa mga anggulong iniimbestigahan nila.
Nilinaw naman ni Albayalde na hindi ibig sabihin nito na pulis o militar ang bumaril sa mayor, dahil sa mistulang may “training†ang sniper batay sa kanyang “malinis†na trabaho.
Sinabi ni Albayalde na maaaring kahit na sinong may kasanayan sa paghawak ng armas ang gumawa ng krimen.
Bukod dito aniya, tinitignan din ng PNP kung may kinalaman ang krimen sa away sa lupa matapos lumutang ang mga ulat na umano’y may mga haciendero na nagagalit sa alkalde dahil sa kanyang agresibong pag-accumulate ng mga lupain sa lalawigan.
Una nang inihayag ni CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) regional director C/Supt. Eduard Carranza na may tatlong persons of interest nang tinitignan sa kaso kung saan dalawa sa mga ito ay may kinalaman sa anggulo ng illegal drugs.