-- Advertisements --
DESTAB PLOT FAKE MEMO

Posibleng maharap sa kaukulang kaparusahan ang isang police official na lumagda sa kumalat na pekeng memorandum order na may kaugnayan sa umano’y destabilization plot ng Armed Forces of the Philippines.

Kasunod pa rin ito ng nag-viral na pekeng dokumento mula sa PNP Police Regional Office 7 na pirmado ni Police Lieutenant Colonel Dexter Ominga.

Nakasaad sa nasabing memo na nagbigay umano ng direktiba si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na ilagay sa “full red alert status” ang lahat ng yunit ng Pambansang Pulisya nang dahil sa nagbabadyang pag-aaklas ng mga miyembro ng Department of National Defense (DND).

Ayon kay PNP chief Azurin, inatasan na niya si PBGEN Mafelino Bazar, ang regional director ng PRO-Cordillera na imbestigahan ang nasabing memo na may petsang January 7, 2023 upang matignan ang mga possible security lapses ng kumalat na pekeng dokumento.

“We already directed the regional director of PRO Cordillera (Brig. Gen. Mafelino Bazar) to look into the possible security lapses as far as the document security is concerned,” ani Azurin.

Kaugnay nito ay muli rin binigyang-diin ni Azurin na walang nagaganap na destabilization movement sa panig ng Armed Forces of the Philippines dahil mismong si AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino na rin daw ang tumiyak nito sa kaniya nang sila ay magkausap.

“He gave the assurance that the PNP and the AFP will work hand in hand in ensuring that the Marcos administration will be very stable,” dagdag pa niya.

Magugunita na una rito ay inihayag na rin ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Anti-Cybercrime Group ng Pambansang Pulisya kung saan at paano kumalat sa buong social media ang nasabing maling impormasyon.