LAOAG CITY – Sasampahan ng patong-patong na kaso ang isang police officer na nanapak umano sa isang army reservist na volunteer frontliner sa Paoay, Ilocos Norte.
Ayon kay Provincial Director Police Col. Christoper Abrahano, nagtungo mismo ang hindi na pinangalanang army reservist sa Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) kahapon para i-report ang ginawa sa kanya ni Police Lt. Aldrin Sadian.
Sinabi ni Abrahano na mas lalo siyang nadismaya matapos nalaman na noong araw pa ng martes nangyari ang insidente pero hindi man lamang nagreport sa kanya ang chief of police sa bayan ng Paoay.
Dahil dito, matapos malaman ang nangyari ay agad ni-relieve si Sadian at ang chief of police sa bayan ng Paoay na si Police Capt. Eddie Suyat.
Inihayag ni Abrahano na ipinaliwanag ni Suyat na hindi rin niya nalaman agad ang nangyari dahil hindi nag-report sa kanya ang army reservist subalit hindi ito tinanggap ng provincial director dahil para sa kanya dapat malalaman lahat ng hepe ng pulisya ang nangyayari sa nasasakupan niyang lugar.
Iginiit ni Abrahano na posibleng sasampahan nila ng criminal at administrative charges si Sadian na kung saan pwede itong ma-demote o maalis sa serbisyo habang si Suyat ay kasong administratibo o negligence of command responsibility.
Dagdag ni Abrahano na sa inisyal na imbestigasyon nila, posibleng hindi nagustuhan ni Sadian ang hindi umano pagrespeto sa kanya ng Army Reservist ng kanyang ranggo gaya ng pagtayo ng huli nung paparating ito sa pwesto nila kung saan nagsasagawa ng checkpoint.