-- Advertisements --

NAGA CITY – Malaking pag-asa ang dala ng pagkakasungkit ng gold medal ng isang atleta mula sa lungsod ng Naga, dahil sa hindi nito inaasahan na maiuuwi at makilala ito bilang gold medalist sa olympic round ng archery na isinagawa sa Ilocos Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Mark Dominic Collantes, 25% lang umano ang nakita nitong tsansa na mananalo dahil sa magagaling ang mga katunggali.

Ngunit dahil sa pagiging focus, tiyaga, pagpupursige at tiwala nito sa Diyos, hindi naging imposible na masungkit nito ang gintong medalya.

Maliban pa sa nasabing medalya, nakuha rin ni Collantes ang silver medal sa 70m round at bronze medal sa 60m round.

Bilang parte ng paghahanda, lagi umano itong nag-iinsayo tuwing may bakanteng oras.

Hindi naman naging madali para kay Collantes ang sumali sa nasabing ng kompetisyon dahil sa wala umano itong sariling gamit, kung kaya kinakailangan pa ng ama nito na makiusap sa isang guro para makahiram ng gamit.

Samantala, mula naman sa pamilya na magagaling sa larangan ng archery si Collantes, at ang mismong tatay nito ang coach. 

Nagsimula umanong mag-training si Collantes sa paglalaro ng archery noong Grade 6 pa lamang ito.

Bilang coach ang kanyang tatay, hindi umano maalis sa kanya ang pressure dahil sa gusto nitong mapantayan o malampasan ang record ng ama na isang bronze medalist sa palarong pambansa.

Lagi naman umanong nagbibigay ng mga payo ang kanyang tatay tungkol sa aktwal na laro.

Sa ngayon, isa sa mga pinapangarap ni Collantes ang makasali sa Philippine Team at makapaglaro sa iba’t-ibang kompetisyon sa ibang bansa.

Nagpaabot naman ng kanyang mensahe ang atleta sa lahat ng mga gustong pumasok sa paglalaro ng archery na kahit anong narating na tagumpay sa buhay, kinakailangan na manatiling mapagpakumbaba.