
Pinaalalahanan ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na hanggang sa Setyembre 17 ng kasalukuyang taon na lamang maaaring magsumite ng aplikasyon para sa kanilang lisensiya para makapag-operate bilang bahagi na rin ng kampaniya para matanggal ang operators na may kinalaman sa mga iligal na aktibidad.
Ito ay alinsunod na rin ng inisyung bagong regulatory framework ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na naging epektibo noon pang nakalipas na buwan para sa lahat ng licensees at service providers na nasa probationary status.
Sa ilalim ng kasalukuyang framework, lahat ng service providers na tumatanggap ng mga taya ay kailangang mag-apply para sa lisensiya.
Susuriin namang maigi ang mga may-ari ng nasabing mga kompaniya upang mapanagot ang mga ito sakali mang mapatunayan na sangkot ang mga ito sa anumang iligal na aktibidad.
Ang mga entity na mayroong mga aktibidad na labas sa iginawad sa kanilang lisensiya o accreditation ay hindi bibigyan ng lisensiya sa ilalim ng bagong framework gayundin ang mga licensees o service providers na hindi magre-reapply o ang mga hindi mabibigyan ng lisensiya sa loob ng ibinigay na period ay iiendorso para sa kanselasyon ng kanilang operasyon.










