Kapwa tumutulong na ngayon sa humanitarian and disaster relief operation ang PNP at AFP bunsod ng pananalasa ng bagyong Agaton sa Visayas at Caraga region.
Bukod sa mga personnel na idineply, na-mobilize na rin ng PNP at AFP ang kanilang mga sasakyan at mga kagamitan.
Sa panig ng PNP, nasa 198 pulis ang kasalukuyang naka-deploy sa mga lugar na apektado ng bagyong Agaton.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief B/Gen. Roderick Augustus Alba, bahagi ito ng Disaster Response Operational Procedure ng PNP na ipinatupad bago pa man nanaalasa ang bagyo.
Ayon kay Alba, patuloy tumutulong sa mga Local Government units ang mga pulis sa pag-evacuate ng mga tao mula sa mga geohazard areas.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng mga rescue operations sa mga na-stranded dahil sa baha dulot ng matinding ulan dulot ng bagyo.
Muling nanawagan si Gen. Alba sa mga residente na makipag-cooperate sa mga awtoridad upang makaiwas sa pinsala.
Samantala, aktibong nagsasagawa ng humanitarian and disaster relief (HADR) operations ang 8th Infantry Division ng Philippine Army sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Agaton.
Ayon kay Phil. Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad, kasalukuyang naka-deploy ang kanilang HADR teams sa Leyte at Southern Leyte na nakaranas ng landslides at flashfloods dahil sa malakas na ulang dala ng bagyong Agaton.
Partikular aniyang tinutututukan ng mga tropa ang paghahatid ng humanitarian assistance sa Baybay City at Hilongos town sa Leyte; at sa Liloan, Southern Leyte.
Matatandaang noong nakaraang linggo, nag-deploy din ng HADR teams ang Philippine Army sa Davao City at mga kalapit lalawigan na nakaranas ng matinding pagbaha at landslides dulot ng malakas na ulan ng low pressure area na kinalaunan ay naging bagyong Agaton.