Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na naglilipat sa Philippine National Police Academy (PNPA) at National Police Training Institute (NPTI).
Sa ilalim ng Republic Act No. 11279, ipapasailalim na ito sa Philippine National Police (PNP) mula sa Philippine Public Safety College (PPSC).
Alinsunod sa batas, ang Philippine National Police Academy na matagal nang institusyon para sa edukasyon ng mga pulis ay nasa ilalim na ng kontrol at supervision ng hepe ng PNP.
Magkakaroon ang PNPA ng Dean of Academics at Commandant na parehong may ranggong Police Brigadier General.
Ang NPTI naman ay pamumunuan ng isang director na may ranggong Police Major General.
Inaamyendahan din ng batas ang mandato ng PPSC na siyang hahawak naman sa training, human resource development at patuloy na edukasyon ng Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology cadets.
Isang Board of Trustees na bubuiin ng isang secretary at tatlong bureau heads ang tututok sa Philippine Public Safety College.
Magiging epektibo ang batas, 15 araw magmula ang official publication nito sa pangunahing pahayagan.
Kasunod nito, magpapasa ang hepe ng PNP sa loob ng 120 na araw ng bagong table of organization, equipment at staffing pattern ng PNPA at NPTI sa National Police Commission at Department of Budget and Management.