Tinatapos na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang vaccination ngayong sumampa na sa 219,514 o 98.37% police personnel ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine as of October 20,2021 mula sa kabuuang 223,150 police force nationwide.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo sa PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF commander Lt.Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi na kanila ng tinatapos ang pagbabakuna sa kanilang mga active personnel, dahilan para hindi nila masimulan ang vaccination sa mga menor-de-edad na dependents ng mga pulis.
Nakalaan kasi ang kanilang vaccine supply para sa kanilang mga tauhan.
Subalit sinabi ni Vera Cruz, posible sa susunod na buwan maaari na silang magbakuna ng mga dependents ngunit kanilang bibigyang prayoridad ang mga adult dependents bago ang mga menor-de-edad.
Giit ng Heneral, nakadepende kasi ang kanilang vaccine supply sa ibibigay na allocation ng Department of Health (DOH).
“Wala pa Anne at tinatapos pa namin yung sa active personnel. Maybe after October 31 but priority siguro yung mga adult dependents before yung mga minors depending on the availability of vaccines,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sa ngayon kasi, nasa kabuuang 376,651 doses na ng vaccine ang na-administered nationwide.
Ayon kay Vera Cruz, batay sa kanilang datos nasa 193,347 personnel o 86.64% ang fully vaccinated na ngayon at nasa 26,167 o 11.73% ang naturukan naman ng first dose habang nasa 3,636 o 1.63% ang tumangging magpabakuna.
Iniulat ng heneral, sa National Headquarters ay 92.48% sa mga personnel nito ang fully vaccinated; National Administrative Support Unit (NASU)- 90.94%; National Operations Support Unit (NOSU)- 82.89%; sa mga Police Regional Offices nasa 86.96% ang nakakumpleto na ng kanilang bakuna.
Ang vaccination naman sa mga Police Regional Police Offices (PRO), tatlong rehiyon ang nasa mahigit 90% ang fully vaccinated kung saan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nangunguna na may 96.71% personnel ang fully vaccinated.
Samantala, patuloy namang hinihimok ng PNP ang kanilang mga personnel na hindi pa nabakunahan ng COVID-19 vaccine na magpaturok na dahil magbibigay ito ng proteksiyon laban sa nakamamatay na virus.