-- Advertisements --
image 205

Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na na-hack din ang ilang system ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, meron din naiulat na hacking sa PNP, pero paglilinaw ni Dy, lumang isyu na raw ito at binabalikan lang ngayon ng mga hacker.

Bagama’t mapanganib ang data breach para sa mga eksperto, binigyang diin ni Dy na ang naturang leak ay isang “small scale type” lamang.

Matatandaan na nagkaroon rin ng data leak sa OneExpert portal ng Department of Science and Technology.

Kaya naman ayon kay Dy, papayuhan din nila ang DOST na payuhan din ang mga taong na-leak ang mga credentials na gumawa ng proper defenses o mitigations.

Aniya, nasa 10,000 na record ng mga eksperto ang na-leak. At kumukuha na ngayon ang DOST ng mga eksperto mula sa public at private sector.

Sinabi naman ni Dy na patuloy nilang pinoprotektahan at binabantayan ang iba pang mahahalagang impormasyon mula sa datos ng Department of Science and Technology (DOST). Kabilang sa mga ito ang department’s research at development efforts.

Nauna nang iniulat, na tinamaan ng cyber attack ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Philippine Statistics Authority (PSA), na nagresulta rin sa pag-leak ng ilan sa kanilang data.

Sinabi ni Dy na iisa lang ang mga suspek na nag-post at nag-leak ng data mula sa PSA at DOST.