Inumpisahan na ng pamunuan ng Philippine national Police ang imbestigasyon sa anim na pulis na sangkot sa kaso ng mistaken identity sa Navotas.
Ang nasabing imbestigasyon ay sa pangunguna ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Ayon kay Inspector General Atty Alfegar Triambulo, sisikapin nilang mapabilis ang nasabing imbestigasyon, at agad maresolba ang administratibong kaso ng mga pulis na sangkot.
Batay sa nakatakdang gagawin ng investigating body, tatlong araw ang itatagal ng kanilang pangangalap ng impormasyon, kasama na ang ebidensya at testimoniya ng mga saksi.
Susunod dito ang pre-charge investigation na tatagal ng pitong araw kung saan kukuhanan ng sariling testimonya ang mga pulis.
Susunod sa proseso ay ang summary hearing na tatagal naman ng hanggang dalawampung araw.
Pagkatapos ng mahaba-habang imbestigasyon, posibleng ilalabas na ng PNP ang rekomendasyon nila sa kaso.
Ang nasabing rekomendasyon ay kakailanganin pang paaaprubahan sa chief ng National Capital Region Police Office.
Maalalang nasangkot ang anim na pulis sa pamamaril sa 17 anyos na binatilyo sa lungsod ng Navotas kamakailan na ayon sa pamunuan ng PNP ay isang kaso ng mistaken identity.
Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ang grupo ng mga police ng follow-up operation laban sa suspek sa isang shooting incident sa lugar.