-- Advertisements --

Umalma ang Philippine National Police (PNP) sa ulat ng US State Department na hindi epektibo ang internal cleansing sa kanilang hanay.

Dahil dito, hinamon ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang US State Department na maglabas ng ebidensiya na magpapatunay ng kanilang alegasyon.

Paliwanag ni PNP Chief, para sa kaalaman ng lahat gumagana ang kanilang internal cleansing campaign.

Patunay aniya rito ang mahigit 5,000 mga pulis na nasibak sa serbisyo na nasangkot sa iba’t ibang iregularidad mula sa 2016.

Binigyang-diin ni Carlos, hindi nila kinunsunti ang mga maling pulis at kanila itong pinaparusahan kapag napatunayang nagkasala.

Dagdag pa ni PNP Chief, sa ngayon mataas ang morale ng mga kapulisan.

Bunga na rin ito ng kanilang preventive, punitive at restorative approach sa organisasyon.

” Itong 1st quarter na lang makita niyo yung performance ng PNP. So ibig sabihin nun effective yung preventive namin, effective yung preventive approach, punitive approach and even our restorative approach. So yung internal discipline campaign namin is working. So kung sweeping yun show us your proof na hindi effective hindi ba. Unang una yung pulis natin may takot sa Diyos. When one is not doing it right the leadership and the kapwa pulis namin were the ones investigating them and make them answer for their wrongdoings. So even yung restorative approach, nandiyan pa rin eh. So makikita mo sa disposition nung pulis after the allegation o may nagawa siyang maliiit na pagkakamali. Kapag mali kinocorrect, kapag puwede pa siyang mapagbago binibigyan ng pagkakataon na makapagbago, makabangon,” pahayag ni PGen.Carlos.

Ipinagmamalaki din ni PNP Chief, na marami na silang nagawa para disiplinahin ang mga pasaway nilang mga kabaro, sinisibak sa serbisyo ang mga napatunayang guilty sa maling gawain.

Sa kabilang dako, una nang inalmahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ulat ng US State Department na lumalabag pa rin sa karapatang pantao ang mga security forces.

Giit ng Kalihim, dapat patunayan ng US State Department ang nasabing alegasyon.