Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga kandidato sa halalan na i-coordinate ng maayos ang kanilang mga aktibidad sa PNP para mabigyan sila ng maayos na seguridad.
Ang paalala ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kasunod ng insidente ng pagpapaputok ng baril kahapon ng mga security guard ng isang pribadong plantasyon sa Quezon, Bukidnon nang magtangkang pumasok ang grupo ng mga katutubo na kasama umano sa pagtitipon ni presidential candidate na si Ka Leody De Guzman.
Ayon kay Gen. Alba, masyado pang maaga para sabihing election-related ang insidente dahil kasalukuyan pang nangangalap ng ebidensya ang mga pulis.
Ang impormasyong hawak lang aniya ng mga pulis sa kasalukuyan ay may isang sugatan sa insidente matapos tamaan ng bala sa kanang paa, na ginagamot na sa ospital.
Base aniya sa inisyal na imbestigasyon, walang “proper coordination” ang grupo ni Ka Leody sa pagpunta sa plantasyon na inaangkin ng mga katutubo na mayroon nang nakabinbing kaso.
Siniguro naman ni Alba na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang PNP sa insidente para mapanagot ang sinumang dapat managot.