-- Advertisements --

Kumpiyansa si PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na makukumpleto na nila ang pagbabakuna sa kanilang mga personnel sa mga susunod na buwan matapos na umabot na ngayon sa 88% na ang nabakunahan ng Covid-19 vaccine.

Ayon kay Eleazar, 92,093 o 41.46% ng kanilang pwersa ang fully-vaccinated ; habang 104,457 o 47.02% ang naturukan ng unang dose bakuna.

Sa ngayon aniya, 25,582 or 11.52% ng tauhan ng PNP ang hindi pa nabakunahan.

Kasama sa mga hindi nabakunahan ang ika-101 tauhan ng PNP na nasawi nitong Agosto 23 dahil sa severe acute respiratory distress syndrome matapos mag-positibo sa Covid 19.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng pulis kasabay ng pagtiyak na ibibigay ng PNP ang anumang tulong na maaring ipagkaloob sa kanila.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ang nasawing 35-anyos na babaeng pulis ang kaisa-isang personnel na naka-assign sa Directorate for Operations (DO) na nag positibo sa Covid-19.

” August 5 pa siya nag positive sa Covid-19 Anne and lone case sa Directorate for Operations (DO),” mensahe ni Vera Cruz sa Bombo Radyo.

Sinabi ni Vera Cruz ang nasabing personel ay hindi pa nabakunahan ng Covid-19 vaccine.

Pero batay sa datos ng PNP CODA, ang nasabing pulis ay naturukan ng Flu at Pneumonia vaccine.

Patuloy naman ang paghikayat ng PNP sa kanilang mga tauhan na magpabakuna para may proteksiyon laban sa Covid-19 virus.