Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang kanilang tulong sa Department of Health (DOH).
Kabilang na rito ang pag-monitor para mapigilan ang pagkalat ng deadly novel coronavirus lalo na sa mga ports of entry ng bansa.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen Bernard Banac, alinsunod sa utos ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, mayroon nang “direct line” ang PNP Health Service sa DOH para sa pagpapatupad ng mga public health measures.
Ito’y matapos ianunsyo ng DOH kahapon ang kauna-unahang kaso ng nCoV infection sa bansa na taglay ng isang babaeng Chinese na dumating noong January 21 mula sa Hong Kong at nanggaling ng Wuhan, China.
Sinabi ni Banac na naka-standby na ang PNP Maritime Group at PNP Aviation Security Group para sa anumang “request for assistance” mula sa DOH.
Nakaantabay din aniya ang mga local police units para hanapin ang mga indibidwal na tutukuyin ng DOH na lumabag sa mga quarantine procedures.
Ipinaabot din ni Banac ang panawagan ng PNP chief sa publiko na manatiling kalmado, kasabay ng pagtiyak na nakabantay ang PNP para masiguro ang public order and security sa gitna ng umiiral na sitwasyon.
Sa kabilang dako ayon naman kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, lahat ng kanilang member agencies ay kikilos at susuporta sa mga hakbang na irerekomenda ng DOH.
Aniya, DOH kasi ang eksperto sa mga usaping ito kaya kagaya ng dengue outbreak at iba pang health emergencies ay susunod lang sila sa anumang iuutos ng kagawaran.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa red alert ang status ng NDRRMC dahil sa pagputok ng bulkang Taal noong January 12.