Nangako si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan na itutulak niya ang pagtaas ng budget ng Presidential Communications Office (PCO) at mga attached agencies nito, kabilang ang PTV-4, sa 2027 national budget.
Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang sapat na pondo para mas epektibong maipaalam sa publiko ang mga programa at serbisyo ng gobyerno, lalo na ngayong mabilis ang pagkalat ng impormasyon sa social media.
Sinabi ni PCO Secretary Dave Gomez na ₱2.62 bilyon lamang ang panukalang 2027 budget para sa PCO at mga attached agencies nito—6.68% na mas mababa kumpara sa 2026 proposal.
Samantala, ₱138.34 milyon lamang ang inilaan sa PTV-4, malayo sa orihinal nitong budget proposal na ₱1.7 bilyon. Wala namang inilaan na pondo para sa IBC-13 dahil isinasaalang-alang ito para sa privatization.
Nanawagan si bagong PTV-4 General Manager Lino Cayetano na ibalik ang orihinal na budget ng network. Aniya, mahalaga ang PTV-4 sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko at hindi libre ang paggawa at pagpapalaganap ng content sa social media.
Sinabi ni Yamsuan na bukod sa pagbabalik ng nakaltas na pondo, ipaglalaban din niya ang karagdagang budget para sa PCO at PTV-4 bilang miyembro ng House Budget Amendments and Review Subcommittee.









