Nakahandang magsagawa ng imbestigasyon ang Philipine National Police (PNP) sa mga alegasyon laban sa mga pulis ng umano’y self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, sa ngalan ng hustisya.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kaugnay ng counter-affidavit na isinumite ng kampo ni Espinosa sa Department of Justice kung saan binawi niya ang lahat ng kanyang mga pahayag na nag sangkot kay Sen. Leila Delima sa ilegal na droga.
Sa naturang affidavit sinabi ni Espinosa na ang kanyang mga naunang pahayag sa Senate hearings laban kay Delima ay resulta umano ng pananakot at pagbabanta sa kanya at sa kanyang pamilya ng mga pulis.
Ayon kay PBGen. Alba, wala pang natanggap na kopya ng counter-affidavit ang PNP, pero “committed” ang PNP na manaig ang katotohanan sa lahat ng kasong hinahawakan nila.
Gayunman, nasa korte na aniya ang kaso, at mas mabuting hayaang gumulong ang sistema ng hustisya.
Samantala, ibinunyag ng legal counsel ng kontrobersiyal at self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na, napagtanto na ng kaniyang kliyente ang kaniyang mga naging kamalian dahilan para bawiin nito ang kanilang mga paratang laban kay Sen. Leila De Lima na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Inakusahan kasi ni Kerwin ang senadora na sangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Atty Reymund Palad, legal counsel ni Kerwin, nais na nang kaniyang kliyente na ituwid ang mga pagkakamali nito.
Sa affidavit ni Kerwin na isinumite sa DOJ, humingi ito ng paumanhin kay Sen. De Lima.