ILOILO CITY- Nanginginig na isinalaysay ng isang lalaki ang kanyang naging karanasan matapos napagkalamalang subject sa isang drug buy bust operation sa Iloilo.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Alyas Tam, sinabi nito na sinundo niya ang kanyang anak sa isang paaralan sa Brgy. Ortiz Iloilo City Proper.
Ngunit sa hindi inaasahan may pumaradang kotse sa kanyang harapan lulan ang ilang mga lalaki at pilit siyang pinapasakay.
Ayon kay Tam, dumapa ito sa kalsada upang hindi makuha ng nasabing mga lalaki.
Matapos ang ilang sandali, tinuon ng nasabing mga lalaki ang kanilang pansin sa isang miyembro ng LGBT Community na naglalakad sa nasabing lugar, at pwersang pinasakay sa kaparehong sasakyan.
Ang subject ay si Anthony William Landicho, 36, residente ng Brgy. Poblacion, Nueva Valencia, Guimaras.
Nakunan naman ng video ang abduction kay Landicho, ngunit kalaunan tinanggi niya na siya ang nasa video.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Landicho, inamin nito na nagtutulak siya ng droga kung saan kumukuha siya ng suplay sa Metro Manila.
Hinihintay naman ang pahayag ng Regional Drug Enforcement Unit, hinggil sa nasabing kontrobyersyal na operasyon.
Napag-alaman na laging nalalagay sa kontrobersiya ang Regional Drug Enforcement Unit sa Western Visayas kung saan makailang beses ng sinibak sa pwesto ang kanilang pinuno.










