Handang tulungan ng PNP ang Optical Media Board kaugnay sa mga isasampa nilang kaso laban sa may-ari ng isang opisina sa Quezon City na nagsisilbi palang cyber-sex den.
Modus ng naturang opisina ang gumamit ng mga dating app upang mag-alok ng masahe na may kasamang extra-service at kapag kumagat na ay saka gagamiting pang blackmail ang detalye ng biktima sa kaniyang credit card.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, batid niyang maraming ma-eengganyong gumamit ng mga online dating app dahil sa limitadong galaw dulot ng sunud-sunod na lockdown.
Gayunman, nagbabala si Eleazar sa publiko na dapat maging mapanuri at huwag basta-basta kakagat sa pain na gagamitin din pabalik sa kanila sa dakong huli.
Dagdag pa niya, sinumang mga nagpapatakbo ng mga ganitong uri ng negosyo ay malinaw na may pananagutan sa batas at lumalabag sa umiiral na Anti-cybercrime law at violation against women and children.