Nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagtaas ng kaso ng Covid 19 sa bansa matapos na umakyat ng 300 porsiyento ang aktibong kaso sa kanilang hanay sa loob ng isang araw.
Base sa huling tala ng PNP Health Service, umakyat sa dalawampu ngayong araw mula sa lima lang kahapon ang kanilang aktibong kaso ng Covid 19.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, napansin nila na ang pag-akyat at pagbaba ng kanilang mga aktibong kaso ay sumasabay sa mga naitatalang kaso sa “General populace”.
Natalakay aniya ng Joint Task Force Covid Shield ang pagtaas ng kaso ng Covid 19 kasabay ng pagluluwag ng mga quarantine restrictions.
Kaya pinapaalalahan aniya ng PNP ang publiko na patuloy na obserbahan ang minimum Public safety standards dahil nananatili parin ang banta ng Covid 19.
” Na-oobserve ko lang today pag jump from 5 cases kahapon (March 17) to 20 cases today March 18,2022 for the PNP. Though nadi-discuss naman ito sa JTF Covid Shield and ASCOTF meetings, please help us disseminate also pag observe ng MPHS ng ating constituents,” pahayag ni BGen. Alba.