Sinampahan na ng PNP Highway Patrol Group -CALABARZON ng patung-patong na kasong carnapping at estafa ang isa pang person of interest na natukoy ng mga otoridad sa pagkawala ng guro at beauty queen na si Catherine Camilon.
Ayon kay PRO 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, ang naturang POI na tinukoy ng kapulisan ay ang huling may-ari ng sasakyang ginamit ni Camilon bago ang kanyang pagkawala noong Oktubre 12, 2023 sa Batangas.
Ang pagkakatukoy na ito ng mga otoridad sa isa pang POI sa nasabing kaso ay matapos na mapag-alaman ng mga ito na mali ang address na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan ni Camilon bago ito mapunta sa kaniya.
Nabatid na bukod sa kinasuhang huling may-ari ng naturang sasakyan ay itinuturing din ngayong POI ang pulis na umano’y karelasyon ng biktima na sinasabing katatagpuin sana ng beauty queen sa Batangas City nang mapaulat itong nawawala.
Samantala, lumalabas naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hindi pa nailalabas ng Southern Tagalog region ang hinahanap din na sasakyan ni Camilon.
Ito ay matapos ang naging pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga expressway operator at lumalabas na walang rekord na dumaan ito sa mga expressway.