Pinasinungalingan ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na naaresto na ang Cebu businessman na akusado dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Albayalde walang iniuulat sa kaniya ang CIDG na siyang inatasan para hulihin ang negosyanteng si Peter Lim.

Aminado si PNP chief na hirap silang maaresto ang suspek.

Una raw nito napakayaman ni Lim at kaya nitong magtago kung saan saan, pangalawa malawak ang koneksiyon nito.

Pero siniguro ni Albayalde na hindi magtatagal ang pagtatago ni Lim dahil kanila rin itong maaaresto sa tulong ng mga sibilyan.

Inihayag ni PNP chief na wala silang ulat na ito ay nakalabas na ng bansa lalo na ang napabalitang ito ay naaresto sa bahagi ng Mindanao.

Sinabi ni PNP chief nakatutok ang mga tauhan ng CIDG sa pag-aresto kay Lim kung saan gumagalaw na ang mga tracker team.

Hindi lamang ang CIDG ang tumutugis sa negosyante kundi maging ang NBI.

Samantala, pinangunahan naman ni Albayalde ang Chief PNP OCA CUP isang “fun shoot for a cause” na ginanap sa Armscor Shooting Ranges sa Marikina City.

Ang aktibidad ay apat na araw na shooting competition na may 14 stages at ito ay PPSA level 3 sanctioned match.

Bukod kay PNP chief dumalo sa nasabing programa sina NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar, mga district directors, PNP officers ladies club, gun enthusiasts at mga kagawad ng media.