-- Advertisements --

pasig4

Hinimok ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang publiko na patuloy na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga paglabag sa quarantine rules sa kanilang lugar.

“I am urging the public to report or provide any information to the police if they have information on violations of quarantine protocols. Mas maigi kung makuhanan ito ng larawan o kaya naman ay video para may ebidensya,” wika ni PGen Eleazar.

Sinabi pa ng PNP chief na mayroon iba’t-ibang platforms ang PNP gaya ng E-Sumbong kung saan puwedeng isuplong ang mga lumalabag quarantine rules.

Ginawa ni Eleazar ang panawagan matapos maaresto ang may 40 indibidwal sa Pasig City dahil sa pagdaraos ng birthday party.

Tuluyan na ring ipinasara ng Pasig City government ang naturang business establishment.

Kasalukuyang iniimbestigahan na din ng Pasig PNP katulong ang LGU. Base sa inisyal na impormasyon, medyo tago ang venue ng birthday party at isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga awtoridad dahilan para puntahan kaagad ng mga kapulisan.

Pinaalalahanan ni Eleazar ang mga pulis na silipin ang mga gumagawa ng pagtitipon sa kanilang nasasakupan dahil sa posible itong maging isang super spreader event.

“Paalala ko din sa ating kapulisan na maging alerto at huwag hayaang makalusot ang mga ganitong klaseng pagtitipon. Seryosong bagay ito lalo’t halos araw-araw ay lumolobo ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila,” wika ni Gen Eleazar.

Siniguro din ni Eleazar na patloy ang ginawang pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga opisyal ng barangay para mahigpit na ipatupad ang minimum public health safety standards (MPHS) at quarantine protocols sa mga komunidad.

Nanawagan naman si Eleazar sa publiko na huwag maging pasaway lalo at nasa enhanced community quarantine ang Metro Manila.

“Kung hindi man kayo nag-aalala para sa inyong sarili ay isipin ninyo ang inyong mga pamilya. Huwag ninyong ipagpalit ang kaligtasan ng inyong mga mahal sa buhay sa sandaling saya,” dagdag pa ni PNP Chief.