Hinamon ni PNP OIC chief PLt.Gen. Vic Danao ang human rights groups na samahan ang PNP sa kanilang mga ikakasang anti-illegal drug operations.
Ang pahayag ni Danao ay bunsod sa mga alegasyon na may pang-aabuso sa kanilang war on drugs.
Giit ng Heneral, welcome ang mga human rights groups na sumama sa kanilang operasyon dahil wala naman itinatago ang PNP.
Nais din nito na matigil ang isyu na may paglabag sa karapatang pantao.
Dinipensa ni Danao ang war on drugs ng gobyerno.
Aniya, kung may nasawi sa operasyon ibig sabihin nanlaban ang mga suspek dahilan para protektahan din ng mga operatiba ang kanilang mga sarili laban sa mga kriminal.
Umalma rin si Danao, bakit hindi pinapansin ng human rights groups ang mga nasawing pulis sa operasyon.
Tanong nito bakit ang kanilang tinututukan lamang ay ang mga kriminal na nasawi war on drugs.
Aniya, napaka unfair naman para sa PNP na kwestiyunin ang kanilang war on drugs at hindi nakikita ang sakripisyo ng mga awtoridad na umabot sa punto na pati buhay ay kanilang inalay.
Ayon sa PNP OIC chief nasa 800 na mga pulis na ang nasawi sa kanilang anti-illegal drug operations.