Inaasahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatutupad pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang bagong unified curfew hours sa Metro Manila para sa natitirang araw sa buwan ng Marso.
Ito ay matapos aminin ng MMDA na hindi direktang sinabihan ang hanay ng kapulisan tungkol sa bagong curfew hours na ipatutupad sa Maynila.
Magugunita na inaunsyo ni MMDA Chairman Benhur Abalos noong Abril 11, araw ng Linggo, na ang bagong curfew hours ay ipatutupad sa 17 local government units (LGUs) sa Kalakhang Maynila simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Subalit may mga ulat sa unang araw nang pagpapatupad nito kagabi na ipatutupad pa rin umano ng PNP ang dati at mas mahabang oras ng curfew na magsisimula tuwing alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga, dahil hindi nagpadala sa kanila ang MMDA ng kopya ng dokumento para sa bagong unified curfew hours.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ni MMDA Public Affairs Staff chief Dir. II Sharon Gentalian na nakipag-ugnayan na si Abalos kay Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya.
Ang pagpapatupad ng bagong curfew hours ay kasunod na rin ng pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila simula kahapon.
Ang Metro Manila o National Capital Region (NCR) ay isa sa mga lugar na inilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) simula noong Marso 29 hanggang Abril 11.