Epektibo ngayong araw operational na ang COVID-19 testing facility ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay matapos mabigyan ng license to operate ng DOH ang PNP Crime Laboratory para magpatakbo ng sariling coronavirus disease 2019 testing center.
Mismong si PNP chief Gen. Archie Framcisco Gamboa ang nanguna sa launching ng kanilang RT-PCR testing for COVID-19.
Ayon kay Gamboa prayoridad sa nasabing facility ang kanilang mga police personnel at kanilang mga dependents, pero nakahanda naman silang i-accomodate ang mga sibilyan.
Nasa 150 patients kada araw ang maaaring i-accomodate ng testing center.
Malaking tulong aniya ito para sa PNP lalo na sa kanilang self sustaining capability para labanan ang COVID-19 cases sa kanilang organisasyon.
Ngayong operational na ang testing facility maaari ng magsagawa ng COVID testing sa mga police personnel, para agad silang ma-isolate at mabigyan ng medication.
Giit ni PNP chief mahalaga sa kaniya ang kalusugan ng mga pulis lalo na yaong mga frontliner.
Nakatakda ring ilunsad ng PNP ang kanilang sariling swabbing facility sa National Capital Region sa pamamagitan ng truck na magtutungo sa mga police personnel para kunan sila ng swab sample.
Ibinunyag din ni Gamboa na may isang grupo ang nag-donate sa PNP ng P5 million at ito ang gagamitin nila pambili ng kanilang dagdag na mga testing kits.