KALIBO, Aklan – Malaki ang naging pasasalamat ng pamilya Ambay sa Kalibo Municipal Police Station at iba pang law enforcement agency sa mabilis na pagkaresolba sa itinuturing na brutal na pagpatay kay Bonna Hercia Ambay, manager-reliever ng RD Pawnshop Mabini St. Kalibo Branch.
Ayon kay Atty. Benjamin Candari, Jr. lolo ng biktima at abogado ng pamilya Ambay na dahil sa mabilis na pag-aksyon ng pulisya ay agad na naaresto ang suspek sa krimen na si Mark Archie Torrefiel, 31, guwardiya na naka-duty sa naturang pawnshop.
Samantala, nagpaabot rin ng pasasalamat ang pamilya sa naging inisyatibo ni incoming Kalibo mayor Juris Sucro na nauna nang nag-alok ng P30,000 hanggang sa nag-ambag ang iba pang kamag-anak ng biktima at umabot sa P120,000 ang reward money.
Nabatid na Hunyo 6 ng umaga nang matagpuang naliligo sa sariling dugo ang dalaga sa loob ng kanyang pinagtatrabahuhan.
Ang 23-anyos na biktima ay nagtamo ng 18 tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kung saan apat dito ang patal.
Sa hot pursuit operation makalipas ang apat na araw, naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Kalibo PNP, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-NCRFU, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at CIDG Aklan ang suspek sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Idiniretso ito sa Kampo Krame at kinuhaan ng mugshot at booking process at pansamantalang ikinulong.
Nahaharap si Torrefiel sa kasong robbery with homicide.
Sa imbestigasyon, lumabas ang anggulong pagpananakaw na nauwi sa pananaksak ang motibo sa pagpatay.










