-- Advertisements --
image 292

Nagsimula na ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group na ipakalat ang mga larawan ng anim na suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena.

Ito ay matapos ilabas ng mga otoridad ang warrant of arrest for kidnapping and serious illegal detention laban sa anim na security guards na itinuturong may kaugnayan sa pagkawala ng naturang mga sabungero.

Ang naturang hakbang na ito ng PNP-CIDG ay kasunod ng anunsyo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pabuyang isang milyong pisong halaga ng pabuya sa sinumang makakapagturo sa anim na mga akusado.

Ayon kay PNP-CIDG Acting Director PBGEN. Romeo Caramat Jr., ipapakalat ang mga poster na ito sa lahat ng PNP units, sa lahat ng places of convergence, social media, at gayundin sa website ng CIDG.

Dahil dito ay umaasa aniya siya na sa pamamagitan ng mga ipinakalat ng poster at impormasyon ukol dito ay mas mapapabilis pa ang kanilang paglutas sa kasong ito.

Sa naturang pahayag ay hinimok din niya ang publiko na tulungan ang pulisya sa pagtuturo sa naturang mga akusado upang matunton na ng mga otoridad pinagtataguan ng mga ito.

Nabatid na ang kaso ng mga nawawalang sabungero sa Manila Arena ay isa sa walong mga kaso ng mga nawawalang sabungero na iniimbestigahan ngayon ng Special Investigation Task Group “Sabungero” ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.