-- Advertisements --

Pumalag si PNP chief Gen Guillermo Eleazar sa sinabi ng Commission on Human Rights (CHR) na sana ay umepekto ang mga “domestic remedies” bago imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang mga alegasyon laban sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

Paliwanag ng PNP chief, “pag-domestic remedies” ang pag-uusapan ay may mga ahensya ng pamahalaan na kasalukuyan nang tumitingin sa mga alegasyon ng human rights violations sa bansa.

Kabilang aniya sa mga “domestic remedies” na ito ang pagtutulungan ng PNP at DOJ sa pagrebisa ng mga kaso ng mga pulis na lumabag sa standard operating procedure sa mga anti-drug operations.

Ang kahandaan aniya ng PNP na ibigay ang mga dokumento patungkol sa mga kasong ito sa DOJ ay patunay ng kanilang pagiging bukas sa pagpapanagot sa mga pulis na lumabag sa batas.

Giit ni Eleazar, gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at pursigido ang pamahalaan na imbestigahan ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagsulong ng kampanya kontra droga.