-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayade ang publiko na hindi kailangang magbigay ng regalo sa mga pulis sa paggawa ng kanilang tungkulin.

Ayon kay Albayalde, hindi nila minamasama ang mga ganitong uri ng regalo kung ito ay “token of appreciation” lang pero hindi na talaga kailangan dahil ang pulis ay binabayaran ng pamahalaan para magserbisyo.

Ang pagserbisyo aniya ng PNP sa publiko ay “fully paid” sa pamamagitan ng kanilang taxes na binabayad ng publiko.

Babala ng PNP chief sa mga pulis na kasong administratibo at kriminal ang kakaharapin ng mga ito sa sandaling mapatunayan na nagso-solicit at tumanggap ng regalo lalo na kapag pera mula sa mga indibidwal.

May exemption naman aniya sa batas ang pagbibigay ng token, ito ang tinatawag na “unsolicited gifts” na may “insignificant values.”

Hindi naman nakasaad sa batas kung magkano ang halaga ng regalo na maaari nilang tanggapin bilang token.

Inamin din ng PNP chief na nabigyan din siya ng lechon pero wala pa siyang natatanggap na mamahaling regalo dahil hindi niya rin ito tatanggapin.

Binigyang-diin naman ni Albayalde na may limitasyon ang mga regalong maaari nilang tanggapin, at kung ito ay mistulang suhol na, ay mahigpit nila itong ipinagbabawal.

Una nang inamin ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald Dela Rosa na tumanggap siya ng regalo gaya ng mamahaling polo shirt at lechon.

Samantala, nang tanungin si Albayalde kung may binigay na regalo sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte, naging sagot nito ay ang pagtaas daw ng sahod ng mga pulis ang magandang regalo sa kanila.

Sa kabilang dako, ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, malinaw sa kanilang polisiya lalo na sa mga police officers ng National Police Commission ang memorandum na may karampatang parusa ang sinumang tumatanggap ng regalo lalo na kapag ito ay pera.

Ayon sa kalihim, bilang isang empleyado ng gobyerno ay dapat magkaroon ng “selfless delivery of service” ang mga ito sa publiko na walang inaasahang reward.

Depensa naman ni Año, hindi lahat ng regalo o token na ibinigay sa mga lokal na opisyal at PNP ay mahuhulog sa paglabag sa Section 14 ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.